Tuloy pa rin sa pamumuhunan ang ilang fishpen owners sa Dagupan City sa kabila ng milyon-milyong pisong pinsala na naitala sa agrikultura dulot ng Bagyong Uwan.
Isang truck ang naabutan ng IFM News Dagupan kahapon, na nagbababa ng order na feeds na sinasakay sa motorbanca patungo sa mga fishpen sa Brgy. Calmay.
Tumanggi sa panayam ang may-ari nito, ngunit ayon sa pagbabahagi ng mga bangkero na nagbabyahe sa mga kalakal at feeds, may ilan umanong may-ari na milyon ang pagkalugi matapos makawala ang mga isda dahil sa nasirang fish cage at mataas na tubig na nalampasan ang ipinader na lambat.
Ayon naman kay Manuel Escosio, dating fishpen owner sa lugar, karaniwang hamon sa pagbangon ng mga mangingisda ang umano’y pagkakautang para sa mga semilya at feeds na pantustos para sa mga ito.
Noong nakaraang linggo, pumalo sa ₱130 milyon ang tinukoy na inisyal na pinsala sa agrikultura sa Dagupan ayon sa City Agriculture Office, na dahilan ng pagbaba sa presyo ng bangus hanggang ₱80 kada kilo.
Tiniyak naman ng CAO na ang ulat sa pinsala ay inisyal na hakbang upang matukoy ang angkop na suporta para sa mga apektadong mangingisda.









