Kinondena ng mga foreign Embassy sa Pilipinas ang isinagawang missile strike ng grupong Houthi sa commercial vessel na True Confidence sa Gulf of Aden na ikinamatay ng dalawang Filipino seafarers.
Ayon sa report ng US Central Command, ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng fatal casualties ang mga pag-atake ng Houthi simula nang targetin nito ang mga commercial ship na dumadaan sa lugar.
Kasunod nito, kapwa nagpahayag ng kanilang pakikidalamhati sina Japan Ambassador-designate to the Philippines Kazuya Endo, French Ambassador Marie Fontanel, Canadian Ambassador David Hartman, gayundin si German Ambassador Andreas Pfaffernoschke.
Kung maaalala, una nang ibinahagi ng Department of Foreign Affairs (DFA), na ang 13 nakaligtas na mga Pinoy at iba pang crew member ng M/V True Confidence ay na-rescue na ng Indian Navy at dinala sa bansang Djibouti.
Samantala, humiling na ang mga foreign mission dito sa bansa ng kapayapaan at stability hindi lang sa mga pangyayari sa Gulf of Aden kung hindi pati na rin sa buong mundo.