Ilang foreign nationals, nagtatangkang magtayo muli ng mga underground operations ng POGO, ayon sa PNP

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na may nakikita itong trend kung saan ilang foreign nationals ang nagtatangkang buhayin ang mga underground operations ng POGO sa bansa.

Dahil dito, nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa Bureau of Immigration (BI), National Bureau of Investigation (NBI), at Department of Foreign Affairs (DFA) para sa mas mahigpit na monitoring sa mga ito.

Ayon kay Acting PNP Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., may malaking posibilidad na ang ilang illegal POGO/IGL operators ay konektado sa mas malalaking transnational cybercrime groups.

Dagdag pa niya, hindi lang ito simpleng illegal gambling; maaaring may kasama itong online fraud, money laundering, identity theft, at iba pang uri ng cybercrimes.

Samantala, tiniyak ni Nartatez na nakikipagtulungan na ang PNP at Criminal Investigation and Detection Group sa mga foreign counterparts upang masugpo ito.

Matatandaan na nakapagtala ang mga operatiba ng isang operasyon kung saan naaresto ang isang Chinese national na wanted sa kasong Estafa, at dito nadiskubre ng mga awtoridad ang umano’y illegal online gaming hub na nagkukunwaring IT-BPO company.

Naaresto rito ang labimpitong foreign nationals at na-rescue ang 83 Pilipino na pawang biktima ng nasabing operasyon.

Facebook Comments