
Isiniwalat ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang lalo pang paghaba ng listahan ng mga kaduda-dudang pangalan na tumanggap umano ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Sabi ni Ortega, tila “team grocery” naman ang mga nabuking niyang pangalan mula sa mga dokumento na isinumite ng Office of the Vice President sa Commission on Audit.
Pangunahing binanggit ni Ortega ang mga pangalang Beverly Claire Pampano, Mico Harina, Patty Ting, Ralph Josh Bacon, at Sala Casim.
Magugunitang una nang ibinunyag ni Ortega ang mga pangalang katunog o katulad ng chichirya, cellphone, prutas, Dodong Gang, at Team Amoy Asim na pawang walang records ng kapanganakan, kasal at kamatayan sa Philippine Statistics Authority.
Ayon kay Ortega, kung hindi totoo ang nabanggit na mga pangalan ay saan kaya napunta ang P612.5 million na kabuuang confidential funds ng mga tanggapan ni VP Sara.