
Kinalampag ng iba’t ibang militanteng grupo ang harap ng Office of the Ombudsman matapos na magsagawa ng kilos-protesta ngayong umaga.
Bago pa magsimula ang kilos-protesta, nagkaroon pa ng girian sa pagitan ng raliyista at mga pulis dahil sa pagpupumilit na makapasok ang mga ito sa loob ng opisina.
Panawagan nila na panagutin ang mga sangkot sa korapsyon at imbestigahan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa nangyayaring katiwalian sa bansa partikular na ang pondo pagdating sa imprastraktura.
Ayon kay Secretary General Albert Pascual ng Health Alliance Democracy na nakikita nila na may nagaganap na cover up pagdating sa usaping imbestigasyon dahil may pinoprotektahan umanong tao at inililihis sa iba ang atensyon.
Para sa kaniya, dapat rin managot ang pangulo sapagkat siya umano ang pangunahing korap dahil siya ang pumipirma ng mga napakalaking pondo.
Kaugnay nito, panawagan niya rin sa Office of the Ombudsman na huwag pairalin ang selective justice agad na umaksyon ang opisina sa pagpapanagot sa mga sangkot sa anomalya pagdating sa flood control project dahil naiinip na aniya ang taumbayan dahil sa wala pang resulta sa nangyayaring imbestigasyon.
Dagdag pa niya na wala rin dapat santuhin ang Ombudsman sa pagpapanagot sa mga sangkot umano sa katiwalian kahit pa ang pangulo.
Kasabay ng kilos-protesta, nanawagan din ang grupo ng hustisya sa mahigit isang daang indibidwal na nasawi dahil sa pananalasa ng mga nagdaang bagyo sa bansa.









