Ilang grupo, nagpalipas ng magdamag sa labas ng Kampo Aguinaldo

Nag-prayer vigil at nagpalipas ng gabi sa Gate 3 ng Camp Aguinaldo sa Quezon City ang ilang myembro ng United People’s Initiative.

Ayon sa grupo, napapanahon na para sabay-sabay na manalangin sa Diyos ang mga Pilipino gayundin ang panawagan sa mga sundalo at pulis na gampanan ang kanilang mandato na protektahan ang tao at estado laban sa pang-aabuso sa kapangyarihan at katiwalian sa pondo ng bayan.

Ilan sa mga kasama sa aktibidad ang iba’t ibang civic leaders, vloggers, kabataan at mga retiradong heneral, colonel at opisyal ng bansa na nagmartsa mula sa Batasan hanggang sa Kampo Aguinaldo.

Samantala, patuloy pa nating inaalam kung naipaabot ng grupo ang isang liham kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. para hikayatin siya na suportahan ang kanilang adhikain.

Una nang tiniyak ng Department of National Defense (DND) at ng AFP ang kanilang buong paninindigan sa pagtataguyod ng Konstitusyon at sa mandato nito para sa sambayanang Pilipino kung saan bilang isang propesyonal at non-partisan na institusyon, mananatiling matatag ang DND at AFP bilang tagapagtanggol ng bayan at ng ating demokratikong institusyon.

Facebook Comments