Ilang grupo ng mga kabataan, nagkilos protesta sa lungsod ng Maynila

Nagkasa ng kilos protesta ang ilang grupo ng mga kabataan sa Mendiola, Maynila.

Nanguna sa kilos protesta sa grupo ng mga kabataan ang Student Christian Movement of the Philippines kung saan nag-martsa sila mula Morayta hanggang Mendiola.

Sa pahayag ni Kej Andres, National President ng nasabing grupo, wala nang nagagawang mabuti ang kasalukuyang administrasyon sa gitna ng kinakaharap na sitwasyon bunsod ng COVID-19 pandemic.


Iginigiit nila na hirap na hirap na ang kalagayan ng mga Pilipino partikular ang mga katulad nilang mga kabataan na pawang mga estudyante.

Kanila ring kinokondena ang pagpapatupad ng distance learning dahil wala naman itong nakukuhang suporta at kulang na kulang sa preparasyon kung saan hirap ang mga katulad nilang estudyante gayundin ang mga guro.

Muli rin nilang panawagan ang ligtas na balik-eskwela sa gitna ng pandemya habang kanila ring hinihiling ang P10,000 tulong sa mga estudyante kabilang ang medical at socio-economic solution para sa ligtas na pagbabalik ng klase.

Sa huli, kanila ring iginit na tigilan na ng kasalukuyang administrasyon ang pamumulitika sa gitna ng pandemya at huwag na rin itong gamitin na dahilan sa palpak na serbisyo sa bawat Pilipino.

Facebook Comments