Ilang grupo ng mga mamamahayag, pinaimbestigahan na ang pahayag ni Patidongan sa isang TV reporter

Hindi na nagustuhan ng ilang samahan ng mga mamamahayag ang tila umano’y naging pagbabanta ni Julie “Dondon” Patidongan sa isang TV news reporter ng kuhanan ito ng pahayag.

Sa naging recorded interview, inakusahan ni Patidongan ang TV reporter na bias at bayaran ni Atong Ang kung saan sinabi pa ni Dondon na iisa lang ang buhay at dapat na ingatan.

Nabatid na nais lamang ng TV reporter na kunin ang panig ni Patidongan hinggil sa follow up ng kaso ng mga nawawalang sabungero lalo na’t siya ang naglantad nito sa publiko.

Magsasagawa naman na ng imbestigasyon ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) matapos itong hilingin ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) para sa kapakanan ng TV reporter na una na rin napabalitang kinuyog ng mga nagkikilos-protesta noong Sept. 21 sa Maynila.

Maging si Rep. Terry Ridon ay sinabing napapanahon na para silipin ng kongreso ang banta laban sa mga media lalo na’t nilalabag nito ang press freedom at paghahanap ng katotohan.

Sa kabila nito, hindi pa naglalabas ng anumang pahayag si Patidongan hinggil sa nasabing isyu sa pagitan ng TV reporter.

Facebook Comments