Ilang grupo ng mga manggagawa, dismayado sa ikaapat na SONA ni PBBM

Dismayado ang ilang grupo ng mga manggagawa sa ikaapat na State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos dahil sa kawalan ng kongkretong tugon sa isyu ng sahod at kalagayan ng mga manggagawa.

Sa panayam ng DZXL News, sinabi ni Renato “Ka Rene” Magtubo, National President ng Partido Manggagawa, na maganda sana ang bungad ng talumpati ng pangulo matapos aminin ang kabiguan ng kanyang administrasyon sa ilang pangunahing isyu ng bansa.

Ngunit sa halip na ipaliwanag ang mga pagkukulang, agad aniyang naglatag ang pangulo ng mga plano na pawang mandato naman na ng mga ahensiya ng gobyerno.

Ikinalungkot naman ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na hindi man lang nabanggit sa SONA ang kanilang panawagan para sa P200 legislated wage increase na ilang taon nang nakabinbin sa kongreso.

Ayon sa TUCP, “incomplete” ang grado na maaari nilang ibigay sa SONA ng pangulo, dahil sa kakulangan ng malinaw at kongkretong plano para sa sektor ng paggawa.

Facebook Comments