Ilang grupo ng mga Muslim, napasugod sa Manila City Hall

Ilang grupo ng mga muslim ang napasugod sa labas ng City Hall sa Lungsod ng Maynila kahapon.

Ito’y upang pumila sila para makakuha umano ng ayuda mula sa lokal na pamahalaan.

Dahil dito, nabigla ang mga nagbabantay sa entrance ng Manila City Hall kaya’t nagpatulong sila sa mga pulis para masigurong nasusunod ang inilatag na health protocols.


Pero ayon sa ilang tauhan ng Manila LGU, wala naman silang inaanunsiyo hinggil sa sinasabing pamamahagi ng ayuda lalo na at batid nila na nalalapit na ang pagtatapos ng Ramadan o Eid’l Fitr ng mga Muslim.

Paliwanag ng ilang mga Muslim, nakatanggap sila umano ng mensahe na mamamahagi ng ayuda ang lokal na pamahalaan kaya’t pinapunta sila agad sa labas ng Manila City Hall.

Iginiit pa nila na may ilan na daw silang kasamahan ang nakakuha na ng ayuda kaya’t napasugod sila sa city hall.

Payo naman ng lokal na pamahalaan na huwag basta-basta maniniwala hangga’t hindi nanggagaling sa kinauukulan ang anunsiyo kung saan inaaalam na kung sino ang nagpakalat ng maling impormasyon.

Facebook Comments