Umapela ang ilang grupo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kanselahin na ang lisensya ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.
Sa tatlong-pahinang bukas na liham ng 1Sambayan, EveryWoman, Women2022, at Intercessors of the Philippines kay Pangulong Marcos, naglilingkod lamang ang POGO sa mga Chinese o sa mainland Chinese market.
Dapat na anila itong ipagbawal, lalo na’t ang Chinese Embassy na sa Maynila ang nanawagan sa pamahalaan na ipagbawal ang mga ito.
Mismong Chinese Embassy na rin ang nagsabing ilegal ang anumang uri ng sugal, kabilang ang online gambling at pagsusugal sa ibang bansa.
Dagdag pa ng grupo, ang pagbibigay ng lisensya sa mga Chinese POGO ay maituturing na paglabag sa Internet Gaming Regulations ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).
Kabilang sa mga lumagda sa liham ay sina retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales, dating Sen. Leila de Lima at iba pa.