Naglatag ng ilang paraan ang Department of Finance para maibsan ang epekto ng naitalang 6.1% inflation rate para nitong Hunyo.
Sa press conference sa Malakanyang sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na ipagpapatuloy ng gobyerno ang pamimigay ng fuel subsidy sa mga sektor na matinding apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Kabilang aniya rito ang sektor ng transportasyon, mga mangingisda at magsasaka.
Importante rin aniyang ituloy ang importasyon ng mga produktong pang agrikultura o pagkain pero sa maliit na suplay lamang.
Ayon pa kay Diokno, kailangan ding subukang mapabuti ang sistema ng transportasyon at logistics, para hindi mahirapan ang publiko sa kanilang pagbiyahe.
Sinabi pa ni Diokno na aapurahin nila ang paglalatag ng 2nd tranche ng fuel subsidy.
Sa kasalukuyan aniya ay kinukumpleto pa nila ang pamamahagi ng unang tranche ng fuel subsidy na una nang inilatag ng nagdaang administrasyong Duterte at inaasahang matatapos ngayong unang linggo ng Hulyo.