Kasabay ng paggunita sa ikatlong taon mula nang ideklara ang COVID-19 pandemic.
Nagtipon-tipon ang iba’t ibang grupo kasama ang ilang health care workers sa labas ng Department of Health (DOH) sa lungsod ng Maynila.
Ito ay para muling kalampagin ang pamahalaan at kondenahin ang pagkasayang ng higit 50 milyong doses ng bakuna kontra COVID-19.
Kabilang sa mga nag-rally ay mga miyembro ng Coalition for People’s Right to Health, The People’s Vaccine Asia, Filipino Nurses United at iba pa.
Sinabi ni Nurse Jocelyn Andamo, ang nurses at iba pang medical frontliners ay silang mga bayani sa kasagsagan ng pandemya, ngunit kabilang sila sa mga hindi nakatikim ng sapat na tulong, sahod at proteksyon mula sa gobyerno.
Ayon naman kay Dr. Joshua San Pedro, co-convenor ng Coalition for People’s Right to Health, tatlong taon na ang lumipas makaraang pumutok ang pandemya, dito nakita ang mga umano’y kapabayaan at kapalpakan ng pamahalaan.
Aniya, hindi naibigay sa taumbayan ang nararapat na tulong at maayos na serbisyong-pangkalusugan.
Maliban dito, napaulat ang mga nasirang bakuna na sana’y nakapagsagip ng mas maraming buhay kung saan nakalulungkot na hindi naging efficient ang mga ito at sa halip ay naging magulo ang programang pagbabakuna.
Kaya apela ng kanilang mga grupo, sana ay ayusin ng gobyerno ang programa ng vaccination kung saan hindi dapat unahin ang kita o pribilehiyo kundi unahin ang kapakanan ng mga tao.