Ilang House leader, lumabag sa health protocols

Hindi umano sinusunod ng ilang matataas na lider ng Kamara ang mandatory health protocol matapos na makasalamuha ang isang opisyal na positibo sa COVID-19.

Una nang kinumpirma ni Senator Joel Villanueva na nagpositibo sa COVID-19 si Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director Isidro Lapeña kung saan noong Nobyembre 20 ay dumalo pa si Lapeña sa Senate hearing at kinabukasan, Nobyembre 21 ay nakuha nito ang kanyang positive result sa virus.

Agad na nag-self quarantine si Villanueva matapos ma-expose kay Lapeña at hinimok ang mga taga-Senado na nagkaroon ng close contact sa opisyal na mag-quarantine rin.


Nito lamang Nobyembre 19 ay na-expose sina House Speaker Lord Allan Velasco, Deputy Speaker Mikee Romero, DIWA Party-list Rep. Mike Aglipay at House Secretary-General Dong Mendoza kay Lapeña nang makasama nila ito sa isang pagtitipon kasama ang mga alumni ng Philippine Military Academy(PMA).

Subalit batay sa nakuhang report, ang mga ito ay hindi naman nagself-quarantine bagkus ay dumadalo pa sa mga hearing sa Kamara kung saan maaaring malagay sa kompromiso ang kalusugan ng kanilang mga staff at iba pang kapwa mambabatas.

Samantala, bamaga’t wala pang opisyal na kumpirmasyon ang Kamara, sinasabing nagpositibo rin sa virus si ACT-CIS Party-list Rep. Niña Taduran.

Nabatid noong Nobyembre 16 nang magpa-swab test si Taduran ngunit noong Nobyembre 20 lamang nakuha ang resulta.

Pero habang hinihintay ang swab test result ay dumalo pa ang lady solon sa mga hearing.

Facebook Comments