Ilang ICC personnel, nagtungo sa bansa noong October 2024 at tinulungan ng gobyerno para makakalap ng ebidensya laban kay FPRRD

Iprinisinta ni Senator Imee Marcos ang mga impormasyon na magpapatunay na nakipagtulungan ang gobyerno sa International Criminal Court (ICC) noon pang nakaraang taon.

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Sen. Marcos, Chairperson ng Senate Committee ng Foreign Relations, na May 2024 pa lang ay may briefer na ang Department of Justice (DOJ) tungkol sa posibleng pag-aresto ng ICC kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Inilahad din ng senadora ang pagpasok ng apat na tauhan ng ICC noong Oktubre 2024 na sina Maya Destura Brackeen, ICC Interpreter; dalawang ICC protection expert William Rosato at Amir John Kassa; at Glenn Roderick Thomas Kala, ICC investigator.


Sa tulong umano ng Marcos administration ay nakakakalap ng impormasyon at mga dokumento ang ICC na siyang ginamit na batayan sa pag-aresto sa dating pangulo.

Kabilang sa mga nakuhang dokumento ng ICC ang bank account records mula June 2016 hanggang 2019 ng isang Peter Parungo; blotter, mga nakumpiskang ebidensya, radio transmission mula sa police station sa Barangay Batasan Hills; hospital records ng mga indibidwal na dinala sa East Avenue Medical Center na biktima ng pamamaril at deklaradong dead on arrival.

Tinukoy pa sa pagdinig na tumuloy ang mga ICC personnel sa tatlong hotel at humingi rin ang mga ito ng protection detail at transportation sa Pilipinas.

Facebook Comments