*Cauayan City, Isabela- *Kusa nang tumulong at nagbakbak sa kanilang tinitirhang bahay ang ilan sa mga residente na nagmamay-ari ng mga restaurant at sari-sari store sa humigit kumulang na isang ektaryang lupain sa San Vicente partikular sa likod ng Cityhall ng Ilagan na umano’y pagmamay-ari ng City Government.
Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Paul Bacungan, Public Information Officer ng City of Ilagan, hindi aniya nila pababayaan ang kanilang mga kababayan lalo na ang mga dating nakatira at nagnenegosyo sa lugar na pag-aari ng city government.
Sa inisyatibo ni Mayor Jay Diaz, bibigyan ng libreng lupa at bahay ang mga apektadong pamilya at sila’y ililipat sa likurang bahagi ng kapitolyo sa Barangay Alibagu ng nasabing siyudad.
Maliban sa lupa’t bahay ay mayroon ng tubig at kuryente sa lugar at nangako naman ang pamahalaang lungsod ng Ilagan na bibigyan ang mga ito ng livelihood assistance para may pagkakitaaan at pantustus sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Ayon kay Vilma Castillo, OIC Barangay Captain ng San Vicente, sang-ayon na ma-relocate at lisanin ang lugar ang ilan sa mga pamilya dahil sa pag-aari umano ng city government ang kinatitirikan ng kanilang bahay habang ang ilan naman ay hindi pa matanggap ang kanilang pag-alis sa lugar.
Kaugnay nito, titiyakin umano ng pamahalaang panlungsod ang kaligtasan sa lugar upang mapayapang makapamuhay at makapagsimula ang mga bagong lipat na residente.