Ilang Imbensyon ng mga Mag-aaral ng CCNHS, Ipapamalas!

Cauayan City, Isabela- Ipapamalas ng ilang mag-aaral ng Cauayan City National High School (CCNHS) ang ilan sa kanilang imbensyon na magiging solusyon sa ilang problema ng kalikasan sa isasagawang Regional Science and Technology Fair sa Lallo, Cagayan sa November 7,8 at 9 ng taong kasalukuyan.

Ilan sa kanilang naimbento ay ang Advance Technology For Life Aquatic Science o ATLAS na siyang susuri sa temperatura ng tubig, dissolve oxygen ng tubig, PH level at iba pa na maaaring masuri ng nasabing imbensyon.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ms. Filma Maximo, Research Coordinator/Coach, mismong mga estudyante ang nakaisip ng konsepto para sa kanilang ilalaban sa kompetisyon na inorganisa ng Department of Education Field Office 2.


Ayon pa kay Maximo, mayroon din silang naimbento na censored waste na siyang magdedetect at magbibigay ng text message sa mga utility workers kung sakaling puno na ang lalagyan ng basurahan.

Kaugnay nito, ipepresenta din ng nasabing mga mag aaral ang Public Locker na kinakailangang maghulog ng buong limampiso na kusa namang magsasara ngunit 1 oras lang ang itatagal nito.

Dagdag pa ni Teacher Maximo, may imbensyon din na sampayan na kapag nadetect nito na cloudy weather ay kusa nitong isisilong ang mga damit at kapag umaraw na ay ilalabas niya rin ito pero kapag nadetect nito na tuyong tuyo na ang damit kahit maaraw na ay hindi na nito ilalabas ang sinampay.

Ayon naman sa estudyanteng si Justin Reign Aguinaldo, ipepresenta nya rin ang kanyang imbensyon sa darating na Sabado at Linggo sa Rovorave International Robotics Association sa Cavite.

Ilan sa mga paaralan na nakatakdang makikilahok ay ang Science High School sa Bayan ng Tumauini at ilang pribadong paaralan mula sa buong lambak ng Cagayan.

Facebook Comments