Sinampahan ng dalawang criminal complaints ng Bureau of Customs (BOC) sa Department of Justice (DOJ) ang ilang importers at Customs brokers ng sigarilyo at general merchandise.
Ang reklamo laban sa JDR General Merchandise at sa Customs broker nito ay may kinalaman sa sinasabing importation at misdeclaration ng dalawang shipments ng mga pekeng sigarilyo at general merchandise sa Manila International Container Port (MICP).
Ang nasabing shipment ay sinasabing nagkakahalaga ng ₱50.540 million.
Batay sa inihaing complaint, nilabag ng importer ang ilang provisions ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA); TRAIN Law; Section 10 ng National Tobacco Administration (NTA) 079-2005; NTA Memorandum Circular No. 03, s. 2004; at ang Intellectual Property Code of the Philippines.
Samantala, sinampahan din ng criminal case ng Customs ang Gingerbreadman Trading at ang Customs broker nito dahil sa sinasabing importation ng misdeclared general merchandise na nagkakahalaga ng halos ₱1.4-million.
Batay sa reklamo, ang nasabing importer at ang Customs broker nito ay lumabag sa CMTA, at Article 172 in relation to Article 171 ng Revised Penal Code (RPC).