
Naharang ng Bureau of Immigration (BI) ang isa pang grupong biktima ng human trafficking sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa BI, ang tatlong pasahero ay may edad na 25, 23, at 39 years old.
Tinangka umanong umalis patungong Albania ang mga Pinoy sa pamamagitan flight papuntang Malaysia sakay ng Cebu Pacific mula sa NAIA Terminal 3.
Dito, napag-alaman na nagpanggap ang mga biktima na mga turista ngunit kalaunan ay inamin na sila ay aalis para iligal na magtrabaho sa Southeastern Europe.
Sa salaysay ng biktima, inalok umano sila ng trabaho sa Albania bilang housekeeping attendant, factory workers, at waiter na may buwanang suweldo mula sa €500 hanggang €700.
Kung kaya nagbayad sila ng ₱34,000 hanggang ₱74,000 sa mga recruiter na nakontak nila sa pamamagitan ng messenger.
Matapos maipadala ang pera, blinock na sila ng umano’y recruiter sa online at iniwan ang mga biktima nang walang karagdagang instructions o tamang dokumentasyon.
Agad namang itinurn-over ang mga pasaherong biktima ng panloloko sa IACAT para sa tulong at karagdagang imbestigasyon sa nasa likod ng panloloko.









