Ilang indibidwal na nagbabalak maglinis sa Manila North Cemetery, hindi na pinayagang makapasok

Naghigpit na ng seguridad ang pamunuan ng Manila North Cemetery sa pagpasok ng mga indibidwal sa loob ng naturang sementeryo.

Ito’y dahil may ilan pa rin na nagbabalak magsagawa ng paglilinis kahit natapos na ang itinakdang petsa nito kahapon (Oct. 27).

Giit ng mga indibidwal na nagpaplanong maglinis ng puntod ng yumao nilang mahal sa buhay, ngayon lamang sila nagkaroon ng pagkakataon dahil pabago-bago ang lagay ng panahon nitong mga nagdaang araw.

Pero paliwanag ni Manila North Cemetery Director Dandan Tan, makailang beses na silang nag-aanunsyo ng mga schedule ng paglilinis kaya’t hindi na nila pagbibigyan ang mga nagbabalak na magsagawa nito.

Sa ngayon, tanging pagsasagawa ng libing ang papayagan hanggang ngayong araw, habang bukas sa mga dadalaw ang Manila North Cemetery mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng gabi.

Facebook Comments