Ilang indibidwal na nagkilos protesta sa US Embassy, inaresto ng MPD

Inaresto ng Manila Police District (MPD) ang ilang miyembro ng mga militanteng grupo na nagkasa ng lightning rally sa harap ng US Embassy sa Roxas Blvd., sa Maynila

Nasa anim na indibidwal ang inaresto matapos sabuyan ng pintura ang logo ng US Embassy kung saan ikinasa nila ang protesta bilang pagtutol sa pinakamalaking balikatan joint military exercises sa pagitan ng US at ng Pilipinas na sisimulan ngayong araw.

Ayon kay MPD Dir. Police Brig. Gen. Andre Dizon, pinapayagan naman nila ang mga rally upang ilabas ang mga hinaing o panawagan ng sinumang grupo pero hindi naman sila papayag sa mga maling gawain ng mga ito.


Aniya, ang ginawang hakbang ng mga nag-lightning rally na pagsaboy ng pintura sa logo ng US Embassy ay isang uri ng pagpapahiya sa mga awtoridad lalo na sa gobyerno ng Pilipinas.

Sinabi ni Dizon na tila nais ng mga nagkasa ng kilos protesta na sirain ang magandang relasyon ng US at ng bansa kaya napilitan silang arestuhin ang ilan sa mga ito.

Kaugnay niyan, mas lalong naghigpit sa seguridad ang MPD sa paligid ng US Embassy lalo na’t inaasahan nila na may ilang grupo pa ang tutungo dito para magsagawa ng kilos protesta.

Facebook Comments