May natukoy na ang Commission on Elections (COMELEC) na ilang mga indibidwal na nasa likod ng tahasang paninira sa kredibilidad ng poll body sa paglulunsad nito ng eleksyon.
Ayon kay COMELEC Commissioner George Garcia, kabilang dito ang mga naninira sa Comelec sa pamamagitan ng pagpapakalat ng fake news.
Inihalimbawa ni Garcia ang mga post sa social media hinggil sa overseas absentee voting kung saan may nagsasabing tapos na ang halalan at may nanalo na, at ang sumbong kamakailan ng isang Pilipino na wala ang pangalan ng isang kandidato sa balotang nakuha niya.
Kaugnay nito, mamayang hapon ay makikipagpulong ang COMELEC sa National Bureau of Investigation upang magrekomenda ng mga kasong maaaring isampa laban sa mga nagpapakalat ng fake news.
Pero paglilinaw din ni Garcia, nananatiling bukas ang Comelec sa mga kritisismo at pagtuligsa ng publiko.