Manila, Philippines- Inamin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief, Police Director Oscar Albayalde na mayroon silang binabantayang mga indibidwal na posibleng sympathizers ng teroristang grupo.
Sa briefing sa Malacañang ay sinabi ni Albayalde na wala namang silang namo-monitor na panganib sa gaganaping Association of Southeast Asian Nation Summit pero patuloy naman ang kanilang pagbabantay.
Sinabi ni Albayalde na wala silang nakikitang posibleng retaliatory attack mula sa mga terrorist groups at wala din aniya silang binabantayang grupo na posibleng umatake.
Pero ang ginagawa aniya nila sa ngayon any binabantayan ang ilang indibidwal na mga posibleng sympathizers ng terorista.
Sa ngayon aniya ay pinalakas na nila ang kanilang intelligence gathering at tiniyak nitong handa na ang NCRPO na tanggapin at bantayan ang mga head of states at ang delegasyon ng mga ito sa ASEAN Summit.
Paliwanag ni Albayalde, nasa 33 libong pulis ang ipakakalat sa buong Metro Manila sa ASEAN Summit na magmumula hindi lamang sa NCRPO kundi sa iba pang regional police office.