Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang ilang indibidwal at grupo upang harangin ang paglilipat ng reserve funds ng Philippine Health Insurance Corporation at hilingin ang pagbabalik ng ₱20 billion na pondo na kinuha ng national government.
Ayon sa petitioners, labag sa Saligang Batas ang paglalagay ng nasabing probisyon sa 2024 General Appropriations Act na ililipat ang pondo sa ilalim ng unprogrammed appropriations at ang ginawang pag-iisyu ng circular ng Department of Finance (DOF).
Ipinag-utos kasi ng DOF na ilipat ang ₱89.9 billion na hindi nagamit na pondo ng PhilHealth sa national treasury upang ilaan sa contingency fund o ibang programa ng pamahalaan.
Kanina, bilang pagtutol sa naturang hakbang ay naghain ng petisyon sina dating Finance Undersecretary Cielo Magno at ilang indibidwal na kumakatawan din sa Philippine Medical Association at mga labor group.
Ayon sa kanila, nalalagay sa alanganin ang pondo na nakalaan para sa mga Pilipinong dumedepende sa PhilHealth.
Hinihiling nila na dapat lamang gamitin ang pondo sa implementasyon ng Universal Health Care Act, pagpapalawig ng benefit packages at bawasan ang premium contributions alinsunod sa nakasaad batas.