Ilang indibidwal, naloko ng mga scammer na nabigyan raw ng posisyon sa gobyerno

Nagbabala ang Malacañang sa publiko laban sa mga indibidwal na nagpapakilalang mga taga-Office of the President at nagaalok ng posisyon sa gobyerno.

Sa statement ng Malacañang, modus ng mga scammer na kontakin online ang biktima at magpakilalang taga-Office of the President at sasabihin sa biktima na siya ay kasama sa presidential appointees.

Ayon sa isa sa naging biktima, isang Undersecretary Eduardo Diokno at Assistant Secretary Johnson See, ang nagpakilala sa kanyang taga-Office of the Executive Secretary.


Inutusan raw siya nitong tumungo sa Palasyo para manumpa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil kabilang siya sa Presidential appointees.

Ayon kay Senior Deputy Executive Secretary Hubert Guevara, malinaw na ito ay panloloko dahil wala namang naka-schedule na oath taking ceremony ang pangulo kahapon.

Sa statement pa ng Malacañang, ang ibang mga biktima ay nagduda na sa authenticity ng appointments at oath taking dahil sa paiba-ibang impormasyon na ibinibigay ng scammers pero pumunta pa rin sa Malacañang.

Ang Malala, ayon pa sa mga biktima ay nagbayad sila g malaking halaga para masigurong makukuha nila ang sinasabing posisyon sa gobyerno matapos matanggap ang imbitasyon at impormasyon.

Ang mga posisyong inalok ng mga scammers sa mga biktima ay ambassadorial post sa The Netherlands, Department of Transportation (DOTr) assistant secretary, Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) board member, Clark International Airport Corporation (CIAC) president and chief executive officer (CEO), Early Childhood Care and Development Council executive director and vice chairperson, Clark Development Corp. (CDC) director at Port of Batangas manager.

Sa ngayon, nagsasagawa na nang imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa panlolokong ito.

Facebook Comments