Ilang indibidwal, tinamaan pa rin ng COVID-19 kahit fully vaccinated na

Kinumpirma ng Food and Drug Administration (FDA) na 361 indibidwal na tinurukan ng AstraZeneca at Sinovac vaccine ang nagpositibo pa rin sa COVID-19.

Ayon kay FDA Director General Dr. Eric Domingo, sa 3.7 milyon na naturukan ng first dose ng Sinovac vaccine, 173 ang tinamaan ng virus at 11 ang namatay dahil sa respiratory disease.

188 naman sa 2.1 milyon na nakatanggap ng first dose ng AstraZeneca vaccine ang nagka-COVID-19 at 11 din ang nasawi.


Para naman sa 1.6 milyong indibidwal na nakakumpleto ng dalawang dose ng Sinovac vaccine, 60 ang tinamaan ng COVID-19 habang anim na fully vaccinated ng AstraZeneca ang nagpositibo sa sakit.

Nilinaw naman ni Domingo na ang mga nakakumpleto ng Sinovac at AstraZeneca vaccine ay pawang mga mild cases lamang.

Tig-isa namang indibidwal ang nagpositibo sa virus, 14 araw matapos makadalawang dose ng Sputnik V at Pfizer.

“Nakikita natin na mayroon pa po na nagkakaroon ng COVID pero kakaunting kakaunti na lang even after the first dose pero drastically goes down after the second dose at definitely after the second dose, lumiliit yung chance ng severe COVID at saka pagkamatay.” ani Domingo.

Sabi pa ni Domingo, hindi pwedeng paghambingin ang mga bakuna dahil magkakaiba sila ng petsa kung kailan sinimulan ang rollout ng 1st at 2nd dose.

Facebook Comments