Ilang Indigenous Group, Nagkasa ng Kilos-Protesta sa Harap ng Camp Aguinaldo, QC

Ilang Indigenous Group, Nagkasa ng Kilos-Protesta sa Harap ng Camp Aguinaldo, QC

Nagkasa ng kilos-protesta ang iba’t ibang militanteng grupo, kabilang ang grupong Katribu, sa harap ng Gate 2 ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Headquarters sa Camp Aguinaldo, Quezon City ngayong umaga.

Kasabay ito ng selebrasyon ng Indigenous People and Moro Human Rights Day.

Hindi alintana ng mga raliyista ang panaka-nakang pag-ulan habang isinasagawa ang kanilang demonstrasyon.

Ayon kay Beverly Longid, National Convener ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas, ang protesta ay pagkakataon nila upang maihayag ang tunay na kalagayan ng mga katutubo at Moro pagdating sa usapin ng karapatang pantao.

Kabilang umano sa mga suliraning kinahaharap ng mga katutubo ang patuloy na pang-aagaw ng lupain ng mga IP, pagpasok ng dayuhan at mapanirang pagmimina, at mga counter-insurgency program ng pamahalaan na anila’y nagsisilbing investment defense force na hindi naman nila pinahintulutan.

Kasama rin sa kanilang panawagan ang pagbatikos sa umano’y nagpapatuloy na korapsyon sa bansa at ang panawagang pagpapatalsik kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.

Ani Longid, kung may dapat managot sa laganap na katiwalian, dapat umanong mauna ang mga matataas na opisyal.

Facebook Comments