Ilang industriya sa bansa, posibleng payagan na rin makapag-operate!

Pinag-aaralan na ngayon ng pamahalaan ang pagluwag ng restriction sa iba pang industriya sa bansa.

Sa interview ng RMN Manila kay Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, sinabi nito na kabilang ang pagbu-bukas pa ng ilang industriya at pagbibigay ng trabaho sa taong bayan sa mga pag-uusapan nila sa nakatakdang Cabinet meeting mamayang hapon sa Malacañang.

Ayon kay Nograles, kahit nananatili pa rin sa General Community Quarantine ang National Capital Region, pinag-aaralan na nila ang pagpayag sa pagbukas sa ilang industriya na kayang tumanggap ng mas malaking kapasidad ng manggagawa.


Layon aniya nito, unti-unti nang makabanggo ang taong bayan mula sa krisis na kinaharap ng bansa dahil sa COVID-19.

Nabatid na pinayagan na ng Inter-Agency Task Force ang pagbubukas ng turismo sa bansa upang makatulong sa ekonomiya.

Kasabay nito sa interview ng RMN Manila, umapela si Presidential Adviser For Entrepreneurship Joey Concepcion sa pamahalaan na tignan ang posibilidad na paggamit ng Antigen test kaysa sa swab test para sa mga turistang nais magbakasyon sa ibat ibang lugar sa bansa.

Giit ni Concepcion, parehong mabisa ang dalawang COVID-19 test, pero di hamak na mas mura ang Antigen test na kayang ma-avail ng mga turista.

Facebook Comments