Ilang inireklamo sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan, humingi ng palugit para sa paghahain ng counter affidavit

Naghain na ng kanilang mga counter affidavit ang ilan sa mga akusado sa limang kasong may kaugnayan sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan.

Pero ayon sa Department of Justice (DOJ), may ilan sa mga dawit ang humihingi ng palugit o extension para magbigay ng kanilang kontra salaysay.

Sabi ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, binigyan ang mga ito ng hanggang Biyernes para magsumite habang kapag nabigo pa rin, tuloy na ang pagdinig at dedesisyunan na ang kaso batay sa mga nakalap nilang ebidensiya.

Kabilang sa mga dumalo ngayong araw sa ikalawang preliminary investigation ang dating mga engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez at Jaypee Mendoza.

Hindi naman dumalo sa PI ang contractor na dawit na si Sally Santos ng Syms Construction pero naghain ito ng kontra salaysay kaninang umaga.

Samantala, nanawagan ang Justice Department sa mga indibidwal na ipinaaaresto ng Sandiganbayan na sumuko na habang tumangging magbigay ng impormasyon si Martinez kung alam na nila ang kinaroonan ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.

Facebook Comments