Ilang insidente ng landslide ang naitala sa walong bayan sa Camarines province dahil sa patuloy na nararamdamang sama ng panahon sa lalawigan.
Halos magkakasunod lang ang landslide sa mga bayan ng Caramoan, Sipocot, Balatan, Garchitorena, Presentacion at Lagonoy sa Camarines Sur.
Ayon kay Cris Rivero ng Environmental Disaster Management and Emergency Response Office – hindi na madaanan ang ilang kalsada sa mga nabanggit na bayan dahil sa mga naitalang pagguho ng lupa.
Bineberipika rin ng mga otoridad ang report hinggil sa dalawang indibidwal na umano ay nasawi sa landslide sa Lagonoy.
Maliban dito, lubog din aniya sa baha ang nasa 174 na barangay mula sa 26 na bayan sa Camarines Sur.
Nasa 1,441 pamilya naman ang nananatili sa mga evacuation centers.
Samantala, apektado naman ng baha ang halos buong Camarines Norte kung saan nakapagtala rin ng landslide sa bayan ng Albo at Sta. Elena.
Isang bahay din aniya sa bayan ng Labo ang natabunan.