
Dinedma ng ilang tsuper ang panagawang tigil-pasada ng grupong Manibela ngayong araw.
Ang isasagawang tatlong araw na transport strike ay bilang pagkundena ng grupo sa mga maanomalyang flood control project ng pamahalaan.
Sa ating panayam sa jeepney driver na si Jimmy Manjares, mayroon kasi itong pamilyang kailangang buhayin kaya’t mas minabuti niyang pumasada.
Kung tutuusin aniya ay hindi na siya pumapasada dahil mayroon na itong iniinda sa kanyang katawan na sakit partikular ang gout na malaking epekto sa kanyang pagmamaneho.
Pero ginagawa niya ito para may pambaon ang kanyang anak na nag-aaral.
Si Charlie Morales naman, isa ring jeepney driver, ay papasada rin dahil sa kanyang pamilya.
Handa naman daw itong sumali sa kilos-protesta sakaling may magyaya sa kanya para ipakita ang pakikiisa sa grupong Manibela.
Bukas ay sasabay naman ang grupong Piston sa tigil-pasada at target nilang paralisahin ang biyahe sa buong bansa.









