Sasamantalahin na raw ng ilang jeepney drivers na hindi pa nagpapa-consolidate na gamitin ang 90 araw na palugit na ibinigay ng pamahalaan para sumali sa PUV Modernization Program ng pamahalaan.
Sa panayam ng RMN Manila sa tsuper na si Renato Santos, sinabi nitong wala rin kasing mangyayari sa kanyang kabuhayan kapag nagmatigas itong hindi sumali sa mga kooperatiba dahil hindi rin makakapasada.
Wala rin aniya siyang ibang alam na trabaho kapag hindi na ito papayagang makapasada.
Hindi raw niya sasayangin ang mahabang palugit na ibinigay ng pamahalaan para tuloy-tuloy lamang ang kanyang kabuhayan.
Tiyak kasi aniyang pagkatapos ng palugit na ibinigay na hanggang Abril 30 ay huhulihin na ang mga unconsolidated na mga PUV na papasada pagsapit ng Mayo 1.
Sapat na rin aniya ang ilang beses nang pagpapalawig sa consolidation para bigyan ng pagkakataon ang mga drivers at operators na sumali sa modernization program ng pamahalaan.
Kung maalala, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na ang April 30 deadline ang huling palugit na ibibigay ng pamahalaan sa mga PUV operators at drivers na hindi pa nakakapag-consolidate.