Suportado ng ilang mga kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang isinusulong sa Senado na pagtatanggol sa dating pangulo at pagtutol sa gagawing imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa drug war ng nakaraang administrasyon.
Apat na kaalyado na ang nagsusulong na pigilan ang panghihimasok ng ICC, ito ay sina Senators Robin Padilla, Jinggoy Estrada, Christopher Bong Go at Francis Tolentino.
Ayon kay Tolentino, babanggitin niya sa pulong ng Senate Committee on Justice and Human Rights at European Parliament ngayong araw ang paksa kaugnay sa pagtutol sa ICC probe sa bansa.
Maghahayag naman sina Tolentino at Go na maging co-author ng mga resolusyong inihain laban sa ICC.
Naunang naghain si Padilla ng Senate Resolution 488 na layong ipagtanggol ng buong Senado si Duterte laban sa imbestigasyon ng ICC habang Senate Resolution 492 naman ang inihain ni Estrada na naghahayag ng mariing pagtutol sa pagsisiyasat ng ICC.
Tiwala naman sina Padilla at Estrada na makakakuha sila rito ng suporta mula sa mayorya ng mga senador.