Ilang kalihim nagpaabot ng pagbati kay PRRD

‘Simpleng selebrasyon.’

Ganito inilarawan ng Palasyo ng Malacañang ang mga mangyayari ngayong kaarawan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kah Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, tulad ng dati ay sa bahay lamang ipagdiriwang ni Pangulong Duterte ang kanyang kaarawan kasama ang kanyang mga anak at mga apo.


Sinabi ni Panelo na hindi nabago ang simpleng lifestyle ni Pangulong Duterte kahit ito na ang pinakamataas na opisyal ng bansa.

Nagpaabot din ng pagbati si Panelo kung saan ay sinabi nito na sana ay magkaroon ng maayos na kaisipan at kalusugan ang Pangulo upang matupad nito ang kanyang pangako na pagandahin ang buhay ng mga Pilipino.

Nagpaabot din naman ng pagbati si Interior Secretary Eduardo Año kung saan ay sinabi nito na isang inspirasyon para sa lahat ang dedikasyon ni Pangulong Duterte para bigyang solusyon ang mga problema ng bansa at nawa ay magkaroon ito ng mabuting kaisipan at kalusugan upang maipagpatuloy pa niya ang pagsusulong ng kaayusan sa bansa.

Hiniling naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa kaarawan ng Pangulo na sana ay maintindihan ng publiko na ang lahat ng ginagawa ng Pangulo ay para sa bayan at ito ay dahil sa kanyang pagmamahal sa bansa.

Nagpasalamat naman si dating Special Assistant to the President Secretary Bong Go kay Pangulong Duterte sa pagtitiwala at nabigyan sila ng pagkakataon na mas makapagserbisyo sa taumbayan.

Sinabi ni Go na hanggang sa huling hininga ay hindi niya iiwan si Pangulong Duterte na sana ay mabuhay pa aniya ng 50 pang taon.

Facebook Comments