Ilang kalsada at tulay, hindi pa rin madaraanan dahil sa epekto ng Bagyong Kristine

Nadagdagan pa ang bilang ng mga kalsada at tulay na hindi pa rin madaanan ng mga motorista hanggang sa mga oras na ito dahil sa pananalasa ng Bagyong Kristine.

Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 293 ang mga kalsada at 67 mga tulay ang unpassable sa mga motorista.

Pinakamaraming mga napinsalang kalsada at tulay ay mula sa Bicol region, CALABARZON, Cagayan Valley, CAR, Zamboanga Peninsula, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).


Sa ngayon, patuloy ang pagsisikap ng mga kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang madaanan ang mga kalsada para maipahatid ang tulong mula sa pamahalaan.

Samantala, 196 na mga syudad at munisipalidad sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, Bicol region, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, at CARAGA ang wala paring suplay ng kuryente at tubig hanggang sa mga oras na ito.

Mayroon ding 31 syudad at munisipalidad sa CAR, CALABARZON, at Bicol region ang wala pa ring linya ng komunikasyon matapos mabuwal ang mga poste dulot ng malakas na hanging dala ng bagyo.

Sa pinakahuling datos ng NDRRMC, sumampa na sa mahigit 2.6 milyong mga indibidwal ang apektado ng pananalasa ng Bagyong Kristine.

Facebook Comments