Lubog pa rin sa baha at nagtamo ng pinsala ang ilang kalsada sa Ilocos Region, Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR) dahil sa pananalasa ng Bagyong Julian kaya’t nananatili pa ring unpassable sa mga motorista.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 21 mga napinsalang kalsada ay mula sa Ilocos Region habang 7 sa Cagayan Valley at 5 naman ang sa CAR.
Tuloy-tuloy naman ang ginagawang clearing operations ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang madaanan na ang mga kalsada upang maipahatid ang tulong ng pamahalaan.
Samantala, 20 syudad at munisipalidad sa Cagayan Valley ang wala paring suplay ng kuryente at tubig hanggang sa mga oras na ito.
Mayroon ding mangilan-ngilang mga munisipalidad sa Region 1 at 2 ang wala pa ring linya ng komunikasyon matapos mabuwal ang mga poste dulot ng malakas ng hanging dala ng bagyo.
Sa pinaka-huling datos ng NDRRMC, sumampa na sa halos 59,000 pamilya o 211,000 indibidwal ang apektado ng bagyo mula sa 747 na barangays sa Ilocos Region, Cagayan Valley at CAR kung saan 2 na ang napaulat na nasawi.