ILANG KALSADA AT TULAY SA REGION 2, HINDI PA RIN MADAANAN

Cauayan City – Naglabas ng bagong ulat ang mga awtoridad hinggil sa kondisyon ng mga pangunahing kalsada at tulay sa rehiyon matapos ang epekto ng shearline at Northeast Monsoon.

Ilang kalsada ang hindi pa rin madadaanan ngayong araw ika-30 ng Nobyembre habang may ilan namang isang lane lamang ang bukas para sa mga motorista

Hindi pa rin madaanan ang Peñablanca–Callao Cave Road sa Brgy. Quibal, Peñablanca, Cagayan, dahil sa pagguho at paglubog ng bahagi ng kalsada. Ang Maharlika Highway ang itinalagang alternatibong ruta para sa mga biyaheng Baggao–Peñablanca at pabalik.

Isa pang bahagi ng Peñablanca–Callao Cave Road ang sarado dahil naman sa landslide. Maharlika Highway rin ang alternatibong ruta para rito.

Sarado rin ang Cabagan–Sta. Maria Overflow Bridge sa pagitan ng Brgy. Casibarag Norte, Cabagan, at Mozzozzin, Sta. Maria, Isabela dahil sa mataas na water elevation. Pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa Sta. Maria–Cabagan–Sto. Tomas route o Maharlika Highway.

One lane passable na rin ang bahagi ng Junction Victoria–Maddela–Alicia–Kasibu Boundary Road sa Brgy. San Manuel, Aglipay, Quirino dahil sa soil erosion.

Ayon sa mga awtoridad, nakalagay na ang mga warning signs at naka-deploy na ang mga tauhan at kagamitan sa mga apektadong lugar. Patuloy rin ang monitoring upang tiyaking ligtas ang mga motorista.

Pinapayuhan ang publiko na mag-ingat at maging updated sa mga abiso ng kinauukulang ahensya.

Facebook Comments