Ilang kalsada, pansamantalang isasara sa paligid ng Manila North Cemetery

Pansamantalang isasara ng limang araw ang ilang mga kalsada sa paligid ng Manila North Cemetery sa darating na Undas 2024.

Sa abiso ng Manila District Traffic Enforcement Unit, ang pagsasara ng ilang kalsada ay sisimulan alas-12:01 ng October 30 hanggang alas-7:00 ng gabi ng November 3.

Ilan sa mga pansamantalang isasarang kalsada ay ang bahagi ng Aurora Blvd., Blumentritt Street, Retiro, Maceda, at ang P. Guevarra.


Nagpatupad naman ng traffic re-routing ang Manila District Traffic Enforcement Unit kung saan maaaring dumaan ang motorista sa bahagi ng Rizal Avenue, Cavite Street, Abad Santos Avenue kabilang ang Lacson Avenue.

Ipagbabawal din ang pagpaparada ng mga sasakyan sa mga isasarang kalsada maging sa gilid ng Manila North Cemetery o sa bahagi ng La Loma.

Nasa halos 700 tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau ang i-de-deploy para umalalay sa inaasahang pagsikip ng daloy ng trapiko at makakatuwang nila ang ilang mga force multiplier na mula sa kalapit na barangay.

Facebook Comments