Ilang kalsada sa lungsod ng Maynila, isasara para sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan

Ilang kalsada sa lungsod ng Maynila ang isasara bukas, June 12 para sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan at sa pagbubukas ng Manila Baywalk Dolomite Beach at pagpapakita ng World War II Heritage Cannon.

Batay sa abiso ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), hindi madaraanan ng mga motorista simula alas-6:00 ng umaga ang north at southbound lane ng Roxas Boulevard mula Katigbak Drive hanggang TM Kalaw para sa pagdiriwang ng ika-124 Araw ng Kalayaan.

Para sa mga motoristang daraan sa southbound ng Bonifacio Drive ay maaaring kumaliwa sa P. Burgos; kumanan sa Ma. Orosa; kumanan sa TM Kalaw at kumaliwa sa MH Del Pilar.


Ang mga daraan naman sa Roxas Boulevard northbound ay maaaring kumanan sa TM Kalaw; kumaliwa sa Ma. Orosa at kumaliwa sa P. Burgos.

Mula naman alas-3:00 ng hapon ay sarado ang Roxas Boulevard southbound at northbound mula TM Kalaw hanggang President Quirino Avenue para sa pagbubukas ng dolomite beach at pagpapakita ng heritage cannon.

Ang mga motorista na mula sa hilagang bahagi ng Maynila at pupuntang Roxas Boulevard southbound ay maaaring kumaliwa sa P. Burgos; kumanan sa Ma. Orosa; kumanan sa TM Kalaw; kumaliwa sa MH Del Pilar, kumaliwa sa Quirino at kumanan sa Mabini hanggang FB Harrison.

Habang ang daraan sa northbound ng Roxas Boulevard ay maaaring kumanan sa Pres. Quirino Ave.

Facebook Comments