Manila, Philippines – Ilang kalsada ang isasara sa Lunes, Enero 7 para sa prusisyon ng replica ng Itim na Nazaraeno.
Kabilang sa isasarang mga kalsada simula alas 11:00 ng umaga ang southbound lane ng Quezon Boulevard sa Quiapo, ang A. Mendoza / Fugoso hanggang Plaza Miranda at westbound lane ng España Boulevard mula P. Campa hanggang Lerma Street.
Ang mga motorista na magmumula sa España at patungong roxas Boulevard, South Pier Zone o sa Taft Avenue ay pinapayuhang kumanan sa P. Campa Street patungo sa Fugoso Street.
Para naman sa mga magmumula sa A. Mendoza na patungo sa Quezon Boulevard, dapat kumanan sa Fugoso, kaliwa sa Rizal Avenue.
Nakatakda ring isara ang ilang kalsada sa Martes, Enero 8 para naman sa “pahalik” ng Itim na Nazareno.
Kabilang sa mga isasara mula alas-5 ng umaga ay ang Katigbak Drive, South Drive at Independence Road sa Maynila.
Mula naman alas-10 ng gabi, isasara ang bahagi ng Katigbak Drive at South Drive, northbound lane ng Quezon at McArthur bridge mula Bonifacio Shrine at Taft Avenue mula Ayala Boulevard hanggang Bonifacio Shrine.
Habang sa Enero 9 sarado ang ilang daan para sa traslasyon ng Poong Nazareno.
Ito ay ang kahabaan ng mga tulay ng McArthur, Jones at Quezon; Roxas Boulevard mula Katigbak Drive hanggang TM Kalaw Street, magkabilang lane ng Quezon Boulevard sa Quiapo mula A. Mendoza, Fugoso Street at España Avenue, P. Campa Street at Taft Avenue mula Ayala Boulevard.