Ilang kalsada sa Monumento sa Caloocan City, isasara mamayang hating gabi

Nag-abiso ang Caloocan City Government sa mga motorista na pansamantalang isasara ang Bonifacio Monument Circle mamayang alas-12:00 ng hating gabi.

Ang naturang hakbang ay upang bigyang daan ang mga programa ng lungsod para sa paggunita ng ika-124 na taong anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.

Ayon sa Caloocan City Public Information Office, kabilang din sa mga isasarang kalsada ang ilang bahagi ng McArthur Highway, Samson Road, Rizal Avenue at EDSA.


Ang mga sasakyang manggagaling sa Sangandaan Samson Road papuntang EDSA at Maynila ay pinapayuhang dumaan ng Heroes Del 96 St. at kumaliwa sa 10th Ave. patungo sa kanilang destinasyon.

Habang ang mga sasakyang naman na magmumula sa Rizal Avenue hanggang McArthur ay pinapakaliwa sa 10th Ave., kumanan sa Heroes Del 96 St., kumanan sa Samson Road, kumaliwa sa Dagohoy, kumaliwa sa Caimito Road at kumanan sa Langka St. patungo sa kanilang destinasyon.

Habang ang mga sasakyang papunta sa EDSA ay maaaring dumaan sa 10th Ave., kumaliwa sa B. Serrano hanggang marating ang destinasyon.

Ang mga manggagaling naman ng EDSA paputang Samson Road ay maaaring kumanan sa McArthur at kumaliwa sa Gen. Pascual patungo sa kanilang destinasyon.

Kasabay nito, humingi ng paumanhin sa mga motorista ang lokal na pamahalaan at tiniyak na agad ding bubuksan ang mga saradong kalsada pagtapos ng mga aktibidad.

Magtatalaga rin ang Caloocan traffic ng mga personnel sa iba’t ibang bahagi ng lungsod para magbigay ng direksyon sa mga motorista.

Facebook Comments