Ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila ang isasara para sa mga miting de avance ng mga kandidato para sa halalan 2022.
Simula alas-9:00 ng gabi ng Biyernes hanggang alas-6:00 ng umaga ng Mayo 8 ay isasara ang ilang parte ng mga pangunahing kalsada sa Makati City para sa miting de avance ni presidential candidate Vice President Leni Robredo.
Kabilang sa mga sarado ang mga sumsusunod:
• Ayala Avenue (mula Fonda St. hanggang Gil Puyat Ave.)
• Makati Ave. (mula Dela Rosa St. hanggang Paseo de Roxas)
• Paseo de Roxas St. (mula Dela Rosa St. hanggang Makati Ave.)
• Salcedo St. (mula Dela Rosa St. hanggang Valero St.)
• V.A. Rufino St. (mula Dela Rosa St. hanggang Valero St.)
Sarado rin sa motorista ngayong Biyernes ang Diokno Boulevard mula Bradco hanggang Aseana Avenue sa Paranaque kung saan naman gaganapin ang miting de avance ng UniTeam nina presidential candidate Bongbong Marcos at Mayor Sara Duterte.
Muling bubuksan ang nasabing kalsada alas-11:59 ng gabi ng Sabado, Mayo 7.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), papayagan ang one-lane parking sa lugar sa Mayo 7 mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng gabi sa Roxas Blvd., Macapagal Blvd., Diokno Blvd, Seaside Drive, and Marina Ave.
Asahan na ang mabigat na daloy ng trapiko sa mga sumusunod na kalsada:
• Macapagal Ave.
• Roxas Boulevard
• NAIA Road
• Aseana Ave.
• Bradco Ave.
• Diokno Boulevard
Isinara rin ang ilang pangunahing kalsada sa Quezon City dahil sa programa ng lokal na kandidato.
Apektado nito ang mga susunod na kalsada:
• Malingap St.
• Mahabagin St.
• Mahiyain St.
• Madasalin St.
Payo naman ng mga otoridad sa mga motorista na maghanap ng alternatibong ruta.
Nauna nang sinabi ng MMDA na inaasahan nilang mahigit isang milyon ang dadalo sa mga pangunahing miting de avance sa Mayo 7, ang huling araw ng pangangampanya para sa May 9 national elections.