Plano ngayon ng lokal na pamahalaan ng Maynila na isara ang ilang kalsada sa paligid ng Quiapo Church sa mismong araw ng Pista ng Itim na Nazareno.
Ito’y para magkaroon ng malawak na espasyo upang hindi magsiksikan ang mga deboto lalo na’t inaasahan na dadagsain ang nasabing simbahan.
Una nang sinabi ni Mayor Isko Moreno na wala silang nagiging problema sa mga nagpupunta sa Quiapo Church dahil pawang mga nakasuot ng face mask at faceshield ang mga deboto o ang mga nagsisimba.
Pero aminado si Moreno na malaking hamon para sa kanila na mapanatili ang physical distancing sa labas ng simbahan kaya’t nakikipag-ugnayan sila sa Manila Police District (MPD) at sa mga hijos para tumulong na mapanatili ang health protocols.
Sa kasalukuyan, nasa Manila Cathedral na sa Intramuros sa Maynila ang replica ng imahe ng Itim na Nazareno.
Ito’y bilang bahagi ng mga aktibidad sa Pista ng Itim na Nazareno na pinagdiriwang ngayong buwan kung saan iniikot at bumibisita ang imahe bilang tradisyon nito.
Una nang inikot ang replica ng Itim na Nazareno sa San Lazaro Hospital bago inilipat sa Manila Cathedral.
Matatandaan na dahil sa COVID-19 pandemic, kinansela ng lokal na pamahalan ng Maynila ang Traslacion o ang prusisyon para sa Poong Itim na Nazareno ngayong taon na karaniwang ginagawa tuwing January 9.