Nagpahayag ng kahandaan ang mga kandidato sa pagkaSpeaker na sina Leyte Rep. Martin Romualdez at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na suportahan ang binuong Duterte Coalition na pinangungunahan ni Presidential Son at Davao City Rep. Paolo Duterte.
Sa inilabas na statement, sinabi ni Romualdez na tulad ng Hugpong ng Pagbabago at Hugpong sa Tawong Lungsod ay nais niyang pagkaisahin ang mga mambabatas sa ilalim ng isinusulong na reform agenda ng administrasyon upang maisakatuparan ang layuning iahon sa kahirapan ang mga Pilipino sa pamamagitan ng malagong ekonomiya.
Sangayon din ito Romualdez sa posisyon ng koalisyon na dapat hayaang pumili ang House members ng kanilang napupusuang Speaker base sa idinidikta ng konsensya at sa kagustuhan ng constituents.
Suportado din ni Velasco ang pagkakatatag sa Duterte Coalition na ang layunin umano ay magsulong ng mga reporma tungo sa mabuting pamamahala.
Hinikayat naman ng mambabatas ang mga speakership aspirants na iwanan na ang kanilang ambisyon at sumama na sa Duterte Coalition upang magkaisa at maging mas matatag ang Mababang Kapulungan.
Mababatid na nitong Sabado ay nakipagpulong sa Duterte Coalition ang tatlong Speaker aspirants na sina Romualdez, Velasco at Taguig Rep. Allan Peter Cayetano. Kung saan pinagusapan umano ang mga hakbang sa pagpapaunlad ng bansa.