Inirerespeto ng ilang mga kandidato sa pagkaSpeaker ang desisyon ng Hugpong ng Pagbabago na pinangungunahan ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na magendorso ng susunod na Speaker ng 18th Congress.
Ayon kay Leyte Rep Martin Romualdez, isa sa mga kandidatong Speaker, umaasa siyang hindi maiimpluwensyahan ng HNP ang naunang desisyon ni Pangulong Duterte na huwag manghimasok sa usapin ng Speakership race.
Naniniwala din si Romualdez na hindi gagawin ng Presidente ang pasikretong pagsuporta sa isang kandidato ng Speaker.
Samantala, sinabi naman ni SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta na makikipaglulong ang Partylist Coalition Foundation Inc., (PCFI) ng Kamara sa HNP para pagusapan at plantsahin ang isyu ng House leadership.
Matatandaang inihayag ng HNP na para maresolba ang magulong isyu ng Speakership, inendorso ng mga ito si Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab para maging House Speaker habang pinakukuha naman kay Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ang Majority Leader Position, Appropriations Committee naman kay Marinduque Rep. Lord Alan Velasco at Accounts Committee naman kay Romualdez.
Kaugnay dito, nagpahayag si Ungab ng kahandaan na sumunod sa utos ng HNP na kumandidato bilang Speaker ng 18th Congress at nagpasalamat sa ibinigay na pagtitiwala sa kanya ng partido.