Naaantala ang ilang kasong nakasampa sa Department of Justice (DOJ) dahil sa isyu ng conflict of interest na ginagamit ng Public Attorney’s Office (PAO).
Ito ang isiniwalat ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kasunod ng pagbasura ng Korte Suprema sa hiling ng PAO na tanggalin sa Code of Professional Responsibility and Accountability ng mga abogado ang probisyong naglilimita sa pag-invoke ng PAO lawyers sa conflict of interest.
Ayon kay Remulla, isa sa mga halimbawa ay ang kontrobersyal na jail guards ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso ni Jad Dera na tinanggihan ng PAO na bigyan ng legal na serbisyo dahil sa conflict of interest.
Tahasang sinabi ng kalihim na suportado niya ang posisyon ng Korte Suprema sa mandato ng PAO na magbigay ng libreng legal assistance sa mga mahihirap dahil ito ang final arbiter sa mga kaso.
Sa ruling ng SC, nakasaad na ang pagtanggi ng PAO dahil sa conflict of interest issue ay paglabag sa pangunahing mandato ng tanggapan na magkaloob ng libreng legal aid sa mga mahihirap na hindi kayang kumuhang serbisyo ng pribadong abogado.
Naniniwala rin si Remulla na ang tanggapan ng PAO ay isang serbisyo at hindi law office.
Ang conflict of interest frame of mind aniya na nais ipakita ng PAO sa publiko ay pagtingin sa kanilang opisina bilang law office at hindi bilang legal service ng Republika ng Pilipinas.