Bibigyang parangal ngayong ika-82 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan ang ilang myembro ng Philippine National Police (PNP) na nagpamalas ng kagitingan sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, isa sa mga halimbawa ng katapangan sa hanay ng pulisya ay ang isang miyembro ng Special Action Force (SAF) na nasugatan sa isang engkwentro kamakailan laban sa makakaliwang grupo sa Camarines Sur.
Ani Fajardo, ang araw na ito ay hindi lamang paggunita sa mga bayani ng nakaraan, kundi pagbibigay-pugay rin sa kapulisan na patuloy na naglilingkod sa bayan.
Pagkakataon na rin aniya ang araw na ito na maibahagi ang mensahe ni PNP Chief Gen. Rommel Marbil sa mga pulis na patuloy nilang gampanan ang kanilang tungkulin nang may integridad at dedikasyon.
Binigyang diin nito ang kahalagahan ng pagbibigay ng pinakamahusay na serbisyo para sa kapakanan at kaligtasan ng taumbayan.