Manila, Philippines – Apat na malalaking komite ang pinag-aagawan ngayon ng mga dati at baguhang senador.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, isa na dito ang iiwang education committee ni Senator Francis Escudero, kung saan apat ang gustong kumuha.
Ang makapangyarihang Blue Ribbon Committee na hawak ngayon ni Senator Richard Gordon ay gustong makuha nina Senator Grace Poe at incoming Senator Francis Tolentino.
Target din aniya ni Tolentino na kunin ang Justice Committee na hawak ni Gordon at ang Public Services Committee na pinamumunuan ni Poe.
Maliban dito, nais din ni Tolentino na pamunuan ang environment, foreign affairs at local government committees.
Sabi ni Sotto, posibleng ibigay kay Senator-elect Imee Marcos ang Committee on Ways and Means na iiwan ni Senator Sonny Angara.
Si Angara naman ang papalit kay Senator Loren Legarda sa Committee on Finance.
Habang si Senator-elect Ronald Dela Rosa ay hahawakan ang Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ngayon ni Senator Panfilo Lacson.
Si Senator-elect Bong Go, tiyak na umanong hahawakan ang Committee on Health.
Sa Hunyo 5 magpupulong ang Senate Majority Bloc sa pag-asang mapaplantsa na ang gusot sa isyu ng committee chairmanships.