Thursday, February 26, 2026

Ilang kongresista at labor groups, hiniling kay Speaker Dy na iprayoridad ang National Minimum Wage Bill

Nagbigay ng manifesto kay House Speaker Faustino Bodjie Dy ang ilang kongresista at labor groups kung saan hiniling nila na iprayoridad ang pagpasa sa panukalang National Minimum Wage Bill.

Kasunod ito ng pag-apruba ng House Committee on Labor and Employment ng panukalang batas na base sa manifesto ay magbibigay ng patas at makataong sahod para sa mga Pilipinong manggagawa sa buong bansa.

Binigyang diin sa manifesto na dapat maipasa ang panukala sa gitna ng nananatiling mataas na presyo ng mga bilihin habang mababa pa rin ang sahod, pagkakapantay-pantay at trabahong walang seguridad na nagpapabigat sa pasanin ng mga manggagawa.

Kasamang nag-abot ng manifesto kay Speaker Dy ang chairman ng komite na si Cavite First District Representative Jolo Revilla na nagsabing mahalaga ang suporta ng liderato ng Kamara para mapabilis ang deliberasyon sa plenaryo ng panukala upang agad na maisabatas.

Facebook Comments