Duda ang mga kongresista ng Makabayan sa pagbuhay ng usapin sa Charter Change (Cha-Cha).
Ayon kay Bayan Muna Representative Carlos Zarate, hindi napapanahon ang usapin sa Cha-Cha dahil nasa gitna ng pandemya ang bansa.
Bukod dito ay kulang na rin sa panahon ang administrasyong Duterte para talakayin pa ang Cha-Cha.
Naniniwala si Zarate na ginagawa na lamang dahilan ang pag-amyenda sa economic provisions para maitulak ang pagpapalawig at pag-aalis sa limitasyon sa termino ng mga nakaupo sa gobyerno.
Iginiit naman ni Gabriela Rep. Arlene Brosas na ngayong may pandemya ay hindi makapagbibigay ng kaginhawaan sa buhay ng mga Pilipino ang Cha-Cha.
Aniya, ang kailangan na mas tutukan ngayon ng pamahalaan ay pagpapaunlad sa national industrialization at agrikultura.
Dagdag naman ni ACT-TEACHERS Partylist Rep. France Castro, malapit na kasi ang 2022 election at halata namang pansariling interes ng ilang mga nakapwesto ang ginagawang pagtutulak ngayon sa Cha-Cha.